‘Big Bang’ actress na si Bialik, isa sa dalawang bagong hosts ng ‘Jeopardy!’
LOS ANGELES, United States (AFP) – Isa ang “The Big Bang Theory” actress na si Mayim Bialik, sa dalawang bagong hosts ng US television game show na “Jeopardy!,” kapalit ng award-winning presenter na si Alex Trebek, na namatay dahil sa cancer noong isang taon.
Inanunsyo ng producers, na makakasama ni Bialik ang executive producer ng show na si Mike Richards, matapos ang matagal na panahong paghahanap ng makakapalit ni Trebek.
Ayon sa Sony Pictures Television, si Richards ang mangunguna sa daily syndicated episodes sa sandaling magsimula na ang season 38 sa susunod na buwan.
Si Bialik naman ang in-charge sa special primetime events at spin-offs, kabilang ang isang bagong collegiate championship.
Ang “Jeopardy!” ay noong 1964 pa nagsimula sa US television, kung saan humakot na ito ng awards sa nakalipas na mga dekada.
Ayon sa 45-anyos na aktres . . . “What started out wirh my 15-yr-old repeating a rumor from Instagram that I should guest host the show has turned into one of the most exciting and surreal opporrunities of my life!”
Nahirapan ang producers sa paghahanap ng makakapalit ni Trebek, na naging host ng show sa loob ng 36 na taon.
Ang paghahanap ay idinaan ng producers sa serye ng guest presenter na kinabibilangan ni Bialik, Richards, celebrity journalists na si Katie Couric, Anderson Cooper at George Stephanopoulos, gayundin ang Green Bay Packers quarterback na si Aaron Rodgers at sports commentator Joe Buck.
Ang pinal na desisyon ay ginawa makaraan ang ilang buwang espekulasyon kung sino ang magiging in-charge, at mainitang debate sa kalipunan ng pinaka loyal fans ng show.
Agence France-Presse