Bilang ng Covid-19 cases sa bansa, nasa 20 na
Umakyat na sa 20 ang bilang ng mga positibong kaso ng corona virus disease 2019 sa bansa.
Ito ang kinumpirma ni Health Asst. Secretary Ma. Rosario Vergeire matapos silang makatanggap ng report na may 10 pang pasyente ang nagpositibo sa covid 19.
Gayunman, sa ngayon ay wala pa aniya silang detalye hinggil sa profile ng bagong sampung kaso ng covid 19 sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Vergeire na nasa stable na kondisyon ang apat sa bagong Covid cases na kanilang nauna ng inulat kahapon.
Ang tinutukoy na ika-pitong kaso ay isang 38 anyos na lalaking Taiwanese na may history umano ng contact sa isa pang Taiwanese na bumisita sa bansa at pagdating sa Taiwan ay nagpositibo sa COVID-19.
Ang ika-pitong kaso na ito ay wala umanong byahe sa labas ng bansa.
Ang ika-walong kaso naman na ito ay isang 32 anyos na pinoy at may travel history sa Japan sa nakalipas na 14 na araw.
Habang ang ika-siyam na kaso ay isang 86 anyos na lalaking amerikano na may pre-existing hypertension at travel history sa USA at South Korea.
Ang ika-sampung kaso ay isang 57 anyos na Pinoy na walang byahe sa labas ng bansa pero sinasabing nagkaroon umano ng contact sa isang pasyente na positibo sa Covid 19.
Samantala, inihayag ni Vergeire na bagamat guarded ay stable naman ang kondisyon ngayon ng 62- anyos na unang naitalang local case ng Covid 19.
Matatandaan na nitong weekend una ng naiulat na nasa kritikal na sitwasyon ang nasabing pasyente.
Sa kabila ng patuloy na pagtaas na ito ng kaso ng covid 19 sa bansa ay nilinaw naman ng DOH na hindi pa nila inirerekumenda ang pagpapatupad ng lockdown sa mga lugar na mayroong Covid case.
Muli namang nagpaalala ang DOH sa publiko na huwag magpanic kung makaramdam ng kahalintulad na sintomas ng Covid 19.
Ulat ni Madelyn Moratillo