Bilang ng mga health worker na tinamaan ng Covid-19, patuloy na tumataas
Umabot na sa 23,814 ang kabuuang bilang ng mga health worker na tinamaan ng Covid-19.
Pero sa datos ng Department of Health, hanggang nitong Setyembre 5, nasa 375 o 1.5% na lang nito ang aktibong kaso.
Sa active cases na ito, 245 ang mild, 84 ang asymptomatic, 15 ang nasa moderate condition, 22 ang severe at 9 naman ang nasa kritikal na kondisyon.
Ang 98% o ang 23,336 sa kanila, nakarekober na mula sa sakit.
Pinakamarami sa mga tinamaan ng virus ay mga nurse, sinundan ng mga doktor at nursing assistant.
Pero sa mga namamatay dahil sa virus sa hanay ng mga health worker, mas mataas ang bilang ng nasawing mga doktor na sinundan ng mga nurse.
Sa kabuuan, may 103 health workers na ang nasawi.
Ayon sa DOH, sa mga priority group, mataas na ang porsyento ng mga A1 o health workers ang nabakunahan na kontra Covid-19.
Muli ring lumulutang ang posibilidad na humingi ng time out ang mga health worker dahil sa pagtaas na naman ng mga kaso ng virus infection.
Madz Moratillo