Bilang ng mga health worker sa bansa na tinamaan ng COVID-19, umabot na sa mahigit 22,000
Patuloy paring nadaragdagan ang bilang ng mga healthcare worker na tinatamaan ng Covid 19 sa bansa.
Sa datos ng Department of Health, hanggang nitong Agosto 12, umabot na sa 22,232 ang bilang ng mga health worker na nagpositibo sa virus.
Pero ang magandang balita, ang 21,933 sa kanila, nakarekober na.
Sa 197 aktibong kaso naman, 105 ang mild, 53 ang asymptomatic, 11 ang nasa moderate condition, 19 ang severe at 9 ang kritikal.
Umabot naman na sa 102 health worker ang nasawi dahil sa Covid 19.
Pinakamarami sa mga nasawi ay sa hanay ng mga doktor na sinundan ng mga nurse.
Hanggang nitong Agosto 8, may mahigit 2 milyong healthcare workers na ang nakatanggap ng unang dose ng Covid 19 vaccine habang nasa mahigit 1.7 milyon naman ang fully vaccinated na.
Ayon sa DOH, kahit na may mga medical frontliner paring tinatamaan ng virus, naobserbahan naman na mababa ang bilang ng mga mga bakunado na naospital o nasawi dahil sa Covid 19.
Madz Moratillo