Bilang ng mga healthcare worker ng PGH na magpapabakuna ng Sinovac tumaas
Tumaas na ang bilang ng mga healthcare worker ng Philippine General Hospital na nagpahayag ng pagnanais makatanggap ng bakuna kontra COVID- 19.
Partikular na ng CoronaVac na gawa ng Sinovac ng China.
Matapos kasing malaman na bakuna ng Sinovac ang ituturok sa kanila, bumaba sa 8% ang bilang ng health workers sa PGH na nais magpabakuna.
Pero ayon kay Dr Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, sa ilang araw ng vaccination activity sa kanilang ospital ay umakyat na sa 25% ang payag magpabakuna ng Sinovac vaccine.
Ang 75% naman aniya ng kanilang healthcare workers ay Astrazeneca ang mas gustong iturok sa kanila.
Nabatid na umabot na sa mahigit isang libong health care workers at empleyado ng PGH ang naturukan ng unang dose ng Sinovac vaccine.
Sa kabuuan nasa 4,200 doses ng CoronaVac ang ipinagkaloob ng DOH sa PGH.
Madz Moratillo