Bilang ng mga nabakunahang Pinoy, higit na sa 4 milyon
Nasa kabuuang 4,097,425 na mga Filipino ang nabakunahan na kontra Covid-19.
Ito ang lumabas sa pinakahuling montoring report ng National Vaccination Operations Center ngayong May 23.
Batay sa ulat, binubuo ito ng 3,147,486 na nabakunahan na ng first dose at 949,939 na mga nakakumpleto na ng bakuna.
Nakapagtala rin ang center ng pagtaas sa bilang ng mga vaccinees sa 379,117 as of May 22.
Kada araw nakakapagbakuna na ng nasa 162,513 indibidwal mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Nitong Huwebes, dumating sa bansa ang karagdagang 500,000 doses ng Sinovac kaya umaabot na sa 8,279.050 ang mga anti-Covid vaccine na nasa bansa.
Sinabi ni National Task Force Against Covid-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na inaasahang sa katapusan ng Mayo hanggang Hunyo ay nasa 2.2 milyong doses ng Pfizer-Biontech ang darating sa bansa.
Maliban pa ito sa 200,000 doses ng Moderna vaccine na binili ng Gobyerno at 50,000 doses na binili naman ng pribadong sektor na inaaasahang darating din sa Hunyo.
Sa Hunyo rin inaasahang darating sa bansa ang paunang 1.3 million doses ng Astrazeneca na binili ng mga private sector ganundin ang ang 500,000 doses ng Sinovac na binili naman ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc.
Idagdag pa aniya dito ang 2 million doses ng Sputnik V at 2 million doses din ng Astrazeneca na galing sa Covax facility ang inaasahang darating din sa Hunyo.