Bilang ng mga pumapasok na SC employees on-site, binawasan
Kasunod ng “massive infections” ng COVID-19 sa hanay ng mga kawani ng Korte Suprema, ipinagutos ni Chief Justice Alexander Gesmundo na bawasan ang bilang ng mga tauhan na pumapasok nang pisikal sa mga tanggapan nito.
Sa memorandum order na inisyu ni Gesmundo, binago rin ang shifting na ipinapatupad sa Supreme Court.
Simula sa Lunes, Enero 10 ay one-third ng mga empleyado ang papasok ng Lunes at Martes, isa pang one-third ng workforce ay Miyerkules at Huwebes, at ang nalalabing one-third ng mga kawani ay Biyernes at Sabado.
Ang tatlong araw naman na wala on-site ay work-from-home para makumpleto ng mga tauhan ang five working days kada linggo.
Ang pasok ay mula 9:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
Ang magrereport on-site ay susuriin nang mabuti ang lagay ng kalusugan at wala sila dapat anumang sintomas ng COVID.
Hindi sakop ng kautusan ang mga personnel mula sa Office of the Bar Chair, Office of the Bar Confidant, Office of the Administrative Services, Medical and Dental Services, at Receiving Section ng Judicial Records Office.
Samantala, hindi na muna rin pinapayagan ang limitadong personal filing ng mga initiatory pleadings.
Moira Encina