Bilang ng mga SC staff na pisikal na pumapasok, lalo pang nilimitahan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19
Binawasan pa ng Korte Suprema ang bilang ng mga kawani nito na pumapasok ng pisikal sa trabaho hanggang sa September 7.
Ayon sa kautusan na pirmado ni Chief Justice Alexander Gesmundo, may pangangailangan para limitahan ang workforce sa SC bunsod ng nakakaalarmang bilang ng kaso ng COVID-19 at pagpapalawig ng MECQ sa Metro Manila.
Dahil dito, ang tanging essential staff lamang na hindi lalagpas sa 15% ang pinapayagan na pumasok ng pisikal sa trabaho sa ilang tanggapan.
Kabilang sa mga ito ang Office of the Clerk of Court ng SC En Banc at Divisions, Office of the Bar Confidant, Internal Audit at ilang piling opisina.
Hanggang 25% naman ng staff ng Medical and Dental Services kabilang ang ambulance drivers, Security Division, at Maintenance Division ang maaaring pumasok.
Ang mga pisikal na magrereport sa trabaho ng rotation basis ay dideterminahin ng mga hepe ng tanggapan o services.
Kailangan din na i-check ang lagay ng kalusugan sa pagpasok sa SC ng mga kawani at wala dapat ng kahit anumang sintomas ng sakit.
Ang nalalabing empleyado ay work-from-home para hindi maantala ang operasyon ng Korte Suprema.
Pinapayuhan din ang mga nasabing kawani na iwasan na lumabas ng kanilang tahanan maliban kung talagang kinakailangan.
Moira Encina