Bilang ng mga turista sa Boracay, lalong dumarami
Lalo pang lumobo ang bilang ng mga turista sa Isla ng Boracay ngayon.
Ayon kay Caticlan Jetty Port administrator Niven Maquirang, manageable pa ang buhos ng mga turista simula noong Lunes hanggang Martes, subalit nitong Miyerkules ay tuloy-tuloy ang pagsidatingan ng mga bakasyunista.
Kaliwa’t-kanan aniya ang mga pulis at sundalong nakabantay sa Caticlan at Cagban ports para lalo pang higpitan ang seguridad ngayong long holiday para sa kaligtasan at matiwasay na pagbiyahe ng mga turista.
Nagdagdag na rin sila ng security guards at pulis na naka-duty 24/7 sa dalawang pantalan.
Samantala, sinabi pa ni Maquirang na activated ngayon ang “Oplan Biyaheng Ayos” ng Department of Transportation sa Caticlan port dahil sa pagbuhos ng mga pasahero sakay ng roll-on-roll-off o RoRo vessel mula sa Mindoro.
Humingi rin ito ng pag-unawa sa mga turista sa paghigpit ng inspeksyon ng mga barko at motorbanca bago payagang makalayag.