Bilang ng nasawi dahil sa Dengue ngayong taon umabot na sa 400
Pumalo na sa 400 ang bilang ng nasawi dahil sa dengue mula lamang nitong Enero 1 hanggang Agosto 13 ngayong taon.
Sa datos ng Department of Health ( DOH), pinakamarami sa mga nasawi ay noong Hulyo na umabot sa 100 sinundan ng Hunyo kung saan 74 ang nasawi at 62 noong Mayo na panahon ng tag-ulan.
Umabot naman na sa 118,785 kaso ng dengue ang naitala mula noong Enero.
Mas mataas ito ng 143% kumpara sa naitala noong 2021 na nasa 48,867 lamang.
Mayorya sa mga kaso ay naitala sa Central Luzon, Central Visayas at National Capital Region.
Sa nakalipas na 4 na linggo, nakapagtala ng 19,816 dengue cases kung saan karamihan ng kaso mula sa Central Luzon, NCR at Cordillera Administrative Region.
Anim sa 17 rehiyon sa bansa ang lumagpas na sa epidemic threshold.
Ito ang Regions 2,3,CALABARZON, MIMAROPA, CAR, at NCR.
Madelyn Villar – Moratillo