Bilang ng nawawala sa malakas na lindol sa Japan, nabawasan na
Binawasan ng Japanese authorities nitong Martes ang bilang ng mga nawawala, kasunod ng malakas na lindol noong Enero 1, habang inanunsiyo naman ang bagong bilang ng mga nasawi.
Ang 7.5-magnitude na lindol na tumama habang ipinagdiriwang ng mga tao ang Bagong Taon, ay nagpadapa sa mga gusali, nagdulot ng sunog at nagpagiba sa mga imprastraktura sa Noto Peninsula sa main island ng Japan na Honshu.
Walong araw pagkatapos ay nahihirapan pa rin ang libu-libong rescuers dahil sa mga kalsadang hindi maraanan at masamang lagay ng panahon, upang simulan ang clearing operation at marating ang halos 3,500 kataong na-stranded sa isolated communities.
Batay sa numerong ipinalabas ng Ishikawa regional authorities nitong Martes, 120 katao ang nawawala pa rin habang 180 naman ang kumpirmadong namatay, mula sa dating 168.
A pedestrian (centre L) walks down an icy street in the disaster-hit city of Noto, Ishikawa prefecture on January 9, 2024, after a major 7.5 magnitude earthquake struck the Noto region in Ishikawa prefecture on New Year’s Day. (Photo by JIJI Press / AFP)
Nitong Lunes ay itinaas ng mga awtoridad sa halos triple ang bilang ng mga nawawala o 323 matapos ma-update ang central databases, na karamihan sa naragdag ay nauugnay sa Wajima na lubhang tinamaan ng lindol.
Subalit sinabi ni Ishikawa official Hayato Yachi, na simula noon ay marami nang mga pamilya ang nagparating sa kanila na nagawa nilang kumpirmahin na ligtas ang mga taong nasa talaan ng nawawala, kaya binawasan na ang bilang nito.
Dahil naman sa malakas na pag-ulan ng yelo na nagiging sanhi upang maging kumplikado ang releif efforts, kaya hanggang nitong Lunes ay halos 30,000 katao na pansamantalang nanunuluyan sa nasa 400 government shelters, na ang ilan ay punong-puno na, ang nahirapang makakuha ng sapat na pagkain, tubig at init.
Halos 60,000 mga bahay ang walang tumatakbong tubig at 15,600 ang walang suplay ng kuryente.
Lumala rin ng kondisyon ng mga kalsada dahil sa ilang araw nang pag-ulan, na naging sanhi ng tinatayang 1,000 landslides.
Sa isang daily disaster-relief government meeting nitong Martes, inatasan ni Prime Minister Fumio Kishida ang mga minister na “magsikap na maresolba ang problema sa isolation ng mga komunidad at ipagpatuloy ang maigting na rescue activities.”
Nanawagan din si Kishida ng isang secondary evacuations sa iba pang mga rehiyon sa labas ng mga lugar na tinamaan ng lindol, ayon sa top government spokesman na si Yoshimasa Hayashi.