Bilang ng taong magugutom mababawasan kung mangangalahati man lang ang dami ng mga nasasayang na pagkain
Inihayag ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) at ng food agency ng UN, na kung mababawasan kahit man lang kalahati ang mga pagkaing nasasayang, ay mababawasan din ang climate-warming emissions at ang kagutuman sa buong mundo.
Ayon sa ulat ng Food and Agriculture Organization (FAO), humigit-kumulang sangkatlo (1/3) ng pagkain na ginawa para sa pagkonsumo ng tao ang nasasayang sa buong mundo, na nagreresulta sa ‘useless emissions’ at pagkabawas ng mga pagkain para sa mga nangangailangan nito.
Babala sa ulat, pagsapit ng 2033, ang bilang ng mga nawala at nasayang na kaloriya sa pagitan ng mga pagkaing inani mula sa mga sakahan at nakarating sa mga pamilihan at mga tahanan, ay maaaring higit sa dalawang ulit ang bilang sa kaloriyang kasalukuyang kinokonsumo ng mga low-income country bawat taon.
Ayon sa ulat, kung mahahati sa dalawa ang dami ng pagkaing nawala o nasayang sa paglalakbay nito mula sa mga sakahan hanggang sa lamesa, ay “may potensiyal na mabawasan ng apat na porsiyento ang global agricultural greenhouse gas emissions at maging 153 milyong katao na lamang ang magiging ‘undernourished’ pagdating ng 2030.”
Nakasaad pa sa ulat, “This target is a highly ambitious upper bound and would require substantial changes by both consumers and producer side.”
Ang agrikultura, paggugubat, at iba pang paggamit sa lupa ay kumakatawan sa humigit-kumulang one-fifth ng greenhouse gas emissions na dulot ng tao.
Ang mga bansang kasapi sa UN ay nangako na bawasan ang per capita food waste ng 50 porsiyento sa 2030 bilang bahagi ng sustainable development goals, ngunit walang pandaigdigang target para mabawasan ang pagkawala ng pagkain sa production supply chain.
Ayon sa ulat, sa pagitan ng 2021 at 2023, ang mga prutas at gulay ang kumakatawan sa mahigit kalahati ng nawala at nasayang na mga pagkain kung pag-uusapan ang madali nitong pagkasira o pagkabulok.
Sinundan naman ito ng cereals, na kumakatawan sa mahigit isang quarter ng nawala o nasayang na pagkain.
Sa pagtaya ng FAO, nasa 600 milyong katao ang nahaharap sa pagkagutom sa 2030.
Ayon sa report, “Measures to reduce food loss and waste could significantly increase food intake worldwide as more food becomes available and prices fall, ensuring greater access to food for low-income populations.”
Dagdag pa nito, “Halving food loss and waste by 2030 could result in increased food intake by 10 percent for low-income countries, six percent in lower middle-income nations and four percent in upper middle-income ones.”