Bill para sa pagtatatag ng designated courts vs. tiwaling pulis, inaksyunan na sa Senado
Sinimulan nang dinggin ng Senate Committee on Justice ang mga panukalang batas na layong maglagay ng designated courts para sa mga pulis na nahaharap sa ibat-ibang mga kaso.
Ayon kay Sen Richard Gordon, layon ng panukala na paspasan ang pagdinig sa kaso ng mga tiwaling pulis.
Kabilang na rito ang kaso ni dating PNP CIDG Region 8 Supt. Marvin Marcos at mga tauhan nito na itinuturong pumatay sa nakakulong na si dating Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa at mga pulis na pumatay sa Koreanong si Jee Ick Joo sa Kampo Krame.
Bukod pa rito ang kaso ng mahigit dalawandaang pulis na nasasangkot sa mga kaso ng extra judicial killings sa kampanya kontra droga ng administrasyon.
Ayon sa National Police Commission may pagkukulang din ang PNP kung bakit mabagal ang aksyon sa mga nahaharap sa mga kaso.
Tinukoy ng NAPOLCOM ang kaso ng may limampung pulis na nahaharap sa kaso ng corruption, extortion at mga pagpatay
Hindi maiproseso ang kaso dahil hindi makadalo sa mga court proceeding matapos itapon sa Basilan ang karamihan sa mga pulis.
Ulat ni : Mean Corvera