Bin Laden family, nag-donate ng £1 million sa Prince Charles charity
Tumanggap si Prince Charles, tagapagmana ng British throne, ng £1 million ($1.19 million) donasyon sa kaniyang charitable trust mula sa pamilya ng 9/11 mastermind na si Osama bin Laden.
Bagama’t walang mungkahi ng anumang maling gawain ng mga miyembro ng Saudi family, ang pangyayari ay nagbunsod ng dagdag pang pagsisiyasat sa charity organizations ng 73-anyos na prinsipe, na nahaharap sa mga paratang ng kriminal na maling gawain.
Ayon sa sources ng pahayagang naglabas ng balita, si Charles ay hinimok ng ilan niyang advisers na huwag tanggapin ang donasyon mula sa patriyarka ng pamilya na si Bakr bin Laden at kapatid nitong si Shafiq na half-brother niya sa terror leader na si Osama.
Batay pa sa report, sumang-ayon si Charles sa donasyon sa Prince of Wales Charitable Fund (PWCF) nang magkita sila ng 76-anyos na si Bakr sa Clarence House sa London noong 2013, sa kabila ng pagtutol ng kaniyang advisers mula sa naturang trust at sa kaniyang tanggapan.
Sinabi naman ni Ian Cheshire, chairman ng PWCF, na ang donasyon ay sinang-ayunan ng limang trustees ng mga panahong iyon.
Noong Pebrero, ang British police ay naglunsad ng imbestigasyon sa isa pang charitable foundation ni Charles dahil sa isang cash-for-honors scandal na kinasasangkutan ng isang Saudi businessman.
Nagbitiw noong 2021 ang pinuno ng foundation ng prinsipe makaraan ang isang internal investigation sa mga alegasyon.
Una nang sumang-ayon si Michael Fawcett, chief executive ng foundation, na suspendihin ang kaniyang trabaho matapos mabulgar sa pahayagan ang kaugnayan niya sa isang Saudi national.
Ang tycoon na si Mahfouz Marei Mubarak bin Mahfouz, ay nag-donate ng malaking halaga para sa restoration projects kung saan may partikular na interes si Charles.
Si Fawcett, isang dating valet ng Prince of Wales na ilang dekada nang malapit sa tagapagmana ni Queen Elizabeth II, ay siya umanong nag-asikaso para mabigyan ng royal honor o maging ng UK citizenship si Mahfouz na tumanggi namang may mga nagawa siyang pagkakamali.
Noong Nobyembre ay sinabi ng Charities Commission, na siyang nagrerehistro at nangangasiwa sa mga charity sa England at Wales, na nagbukas ito ng pormal na imbestigasyon sa mga tinanggap na donasyon ng Mahfouz charitable trust na nakalaan para sa foundation ng prinsipe.
Ang foundation ng prinsipe na itinatag noong 1986, ay hindi kinokontrol ng Charities Commission ngunit nakarehistro sa Scottish Charity Regulator.
Ang Scottish regulator ay naglunsad ng sarili nitong pagsisiyasat noong Setyembre sa mga ulat na ang foundation ay tumanggap ng cash mula sa isang Russian banker na una nang nakulong dahil sa money laundering.
© Agence France-Presse