Binatikos ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang China sa pag-akusa sa Pilipinas na lumilikha ng polusyon sa karagatan sa WPS
Buwelta ni Teodoro, hindi tinitignan ng China ang kanilang sarili bago magsalita.
Tanong ng kalihim sino ba ang sumira sa kalikasan.
Mas matindi pa aniya ang ginawa ng China sa ginawang swarming o pagkumpulan ng kanilang mga barko sa West Philippine Sea at sinira ang mga corals na tirahan ng mga isda.
Sinagot rin nito ang panawagan ng Chinese Embassy na huwag mag provoke o lumikha ng gulo matapos alisin ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang mga floating barriers
Ayon kay Teodoro, pagkupkop na sa teritoryo ng pilipinas ang ginagawa ng China at malinaw na nais nilang kontrolin ang West Philippine Sea
Hindi aniya nakikipag giyera ang sandatahang lakas pero kailangan nang umaksyon para ipaglaban ang teritoryo at soberenya ng Pilipinas
Tiniyak ng Kalihim na mayroong mga hakbang na ginagawa ang gobyerno at pinalalakas ang kapabilidad ng sandatahang lakas upang ma-secure ang mga resources ng Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Pahayag ni Defense Secretary Gilbert Teodoro;
“Provocation na ba yun sa channel, ano ang provocation paglalagay ng barrier o pagtatanggal ng iligal na harang… Di naman tayo nag-i-steer ng trouble di naman tayo ang kumukupkop yan, ang di nila maintindihan propaganda nila na ginagamit. Lalo na banta na yan ano reaction ng pinoy diyan, siyempre lalo tayong malalayo sa kanila.”
Si Teodoro ay nasa senado para idepensa ang panukalang budget ng Department of National Defense o DND para sa susunod na taon.
Meanne Corvera