Bintang ng sex assault laban sa comedian na si Russell Brand, iniimbestigahan ng UK media
Inihayag ng BBC at Channel 4, mga dating employer ng British actor at comedian na si Russell Brand, na iniimbestigahan nila ang mga paratang ng rape, sexual assaults at emotional abuse na nangyari sa loob ng pitong taon.
Apat na babae ang nag-akusa ng sexual assaults na nangyari sa pagitan ng 2006 at 2013, habang nasa kasagsagan ang katanyagan ni Brand bilang isang presenter para sa BBC Radio 2, Channel 4 at lumalabas din sa Hollywood movies.
Sinabi ng broadcasters na BBC at Channel 4, kasama ng production company na Banijay UK, na bubuksan nila ang isang internal inquiries tungkol sa mga paratang.
Ayon sa isang tagapagsalita ng BBC, “We are urgently looking into the issues raised.”
Ang mga alegasyon ay nakasaad sa isang pinagsamang pagsisiyasat ng The Sunday Times, Times at Channel 4 Dispatches.
Sinabi ng production firm, “Banijay UK has launched an urgent internal investigation and will cooperate with any requests for information from broadcast partners and external agencies.”
Ayon sa imbestigasyon ng Times, ilang babae ang mayroong iba’t ibang akusasyon tungkol sa umano’y “controlling, abusive and predatory behaviour” ni Brand.
Sa isang lumabas na video online ay itinanggi naman ang aktor ang aniya’y “very serious criminal allegations.”
Sinabi nito, “I received letters from a TV company and a newspaper listing “a litany of extremely egregious and aggressive attacks.”
Aniya, “Amidst this litany of astonishing rather baroque attacks are some very serious allegations that I absolutely refute.”
Ayon sa media reports, isang babae ang nag-aakusa na pinagsamantalahan siya ni Brand sa bahay nito sa Los Angeles, habang bintang naman ng isa na nakaranas siya ng “assault” sa loob ng tatlong buwan nilang relasyon ng aktor noong siya ay 16-anyos pa lamang at nag-aaral pa.
Kilala bilang dating asawa ng pop star na si Katy Perry, nagsimula ang career ni Brand bilang isang stand-up comedian sa mga unang bahagi ng 2000s.
Siya ang host ng chat show na Big Brother’s Big Mouth, isang spin-off ng sikat na reality series, sa loob ng tatlong taon simula 2004.
Ginampanan din niya ang papel bilang ang rock star na si Aldous Snow sa 2008 film na “Forgetting Sarah Marshall” at sa 2010 sequel nito na “Get Him To The Greek.”
Sinabi naman ng Metropolitan Police ng London, “We are aware of the allegations, but at this time, we have not received any reports in relation to this. If anyone believes they have been the victim of a sexual assault, no matter how long ago it happened, we would encourage them to contact police.”