Biogas facility sa UK, tinamaan ng kidlat
Tinamaan ng kidlat ang isang UK food waste recycling plant, sanhi upang maputol ang suplay ng kuryente sa kalapit na lugar.
Ayon sa Severn Trent Green Power, na nagpapatakbo sa Cassington AD (anaerobic digestion) facility malapit sa Yarnton, hilaga ng siyudad ng Oxford, sumabog ang mga tangke nila ng biogas matapos tamaan ng kidlat.
Sinabi pa ng kompanya, “Thankfully no one has been hurt and we are working with the emergency services to make sure the site is safe so that we can assess the damage as soon as possible.”
Ang Cassington AD plant ang nangangasiwa sa commercial food waste, kung saan mahigit sa 50,000 tonelada ng solido at likidong basura ang ipino-proseso rito kada taon.
Ayon sa kompanya, ‘We generate 2.1 megawatts of electricity as well as bio-fertiliser, and we have a contract with the local authority.”
Sinabi naman ng Thames Valley Police na isinara na nila ang kalapit na A40 main road bilang pag-iingat, at inabisuhan na rin ang mga lokal na residente na manatili sa loob ng kanilang tahanan at isara ang mga pinto at bintana.
Napaulat naman na ilang residente sa lokalidad ang nakaranas ng pagkaputol sa serbisyo ng kanilang kuryente.