BIR bumuo na ng special team na mag-iimbestiga sa posibleng paglabag ni COMELEC Chair Andres Bautista sa National Internal Revenue Code

Bumuo na ang BIR ng special team na mag-iimbestiga sa mga posibleng tax liabilities ni COMELEC Chairman Andres Bautista at iba pang nadadawit sa sinasabing tagong yaman nito.

Ito ang ipinapabatid ni BIR Commissioner Caesar Dulay  sa kanyang liham kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.

Batay sa revenue special order 706-2017 na inisyu ni Dulay, itinalaga bilang coordinator ng investigating panel si Regional Director Glen Geraldino ng Revenue Region No. 8, Makati City.

Tutulong kay Geraldino sa tax probe ang mga Revenue District officers mula sa San Pablo, Laguna, Mandaluyong, Taguig-Pateros, at North Makati.

Kasama sa iimbestigahan ng BIR ang misis ni Bautista na si Patricia Paz, Divina Law managing partner at UST faculty of Civil Law Dean Nilo Divina, Divina Law office, Luzon Development Bank  at iba pang  nasasangkot sa kontrobersiya gaya ng mga kaanak ng Comelec Chairman.

Mahigit 176 million pesos ang idineklarang yaman ni Bautista noong 2016 pero isiniwalat ng misis nito na mayroon mga bank accounts at real properties ito at mga kamag-anak na bigong ideklara ng poll Chairman sa kanyang SALN.

Ulat ni: Moira Encina

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *