BIR employee inaresto ng NBI dahil sa extortion
Isang kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) – District 93A Zamboanga City, ang inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation Western Mindanao Regional Office (NBI-WEMRO), dahil sa extortion.
Sinabi ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric Distor, na ang naaresto ay nakilalang si Flora Sarau Albao, Revenue Officer IV (A) ng BIR District 93A Zamboanga City.
Ang kaso ay nagsanga mula sa reklamo ng isang babaeng negosyante na nagmamay-ari ng isang bakery at isang grocery store.
Ayon sa complainant, isang Notice of Discrepancy na may petsang April 20, 2022 ang isinilbi sa kaniya na nagsasabing mayroon siyang internal tax liabilities para sa taxable year mula January 1, 2020 hanggang December 31, 2020 na nagkakahalaga ng P30,716,845.24 at binigyan siya ng limang araw para ipaliwanag ang kaniyang panig sa naturang discrepancies, na ninotahan ng investigating Revenue Officers.
Noong May 13, 2022, ay nagtungo ang complainant sa tanggapan ni Albao para linawin ang kaniyang internal tax liabilities at para isumite ang kaniyang Purchase Receipts upang patunayan ang kaniyang mga binili o halaga ng kaniyang benta na P90,584,782.83. Inutusan siya ni Albao na dalhin din ang Purchase Receipts upang patunayan ang kanyang mga binili na nagkakahalaga ng P10,578,260.46.
Noong Mayo 17, 2022, nagsumite ang nagrereklamo kay Albao ng Purchase Receipts na P10,578,260.46 at ng araw ding iyon ay sinabi ni Albao na ang complainant ay magbabayad lang ng halagang P 2,000,000.00 bilang kanyang nararapat na buwis hanggang September 2022.
Gayunman, sinabihan siya ni Albao na magbayad muna ng “SOP” na P 1,000,000.00 bago nila ilabas ang iskedyul ng pagbabayad sa kanyang buwis na dapat bayaran. Ang pagkabigong sumunod sa kahilingan ni Albao at kung ang nagrereklamo ay kukuha ng serbisyo ng isang abogado, ang kanyang kaso ay ipadadala sa kanilang Regional Office kung saan mapipilitan na siyang magbayad ng halagang P30,716,845.24. Sinabi pa ni Albao sa complainant na lahat ng kanyang mga ari-arian ay mapi-freeze.
Dahil sa takot at pagpapanic, agad na bumalik ang complainant sa tanggapan ni Albao dala ang P500,000.00. Sinabi niya kay Albao na P500,000.00 lamang ang kaya niyang bayaran o kahalati ng “SOP” na hinihingi nito. Inabutan ni Albao ng pulang envelope ang complainant at inutusan siyang magtungo sa restroom at ilagay ang pera sa loob ng envelope upang walang makakita. Matapos ito ay inilagay ng complainant ang envelope sa lamesa ni Albao at inatasan naman siya nito na agad nang umalis.
Makaraan ang ilang panahon ay regular nang tinatawagan ni Albao ang nagrereklamo para hingin ang balanseng P500,000.00. Humingi naman ng konsiderasyon ang complainant sa pagsasabing naghahanap pa siya ng pera. Dahil naramdaman na ng nagrereklamo na siya ay kinikikilan ni Albao, kaya humingi na siya ng tulong sa NBI.
Sa mahigpit na utos ni Direktor Distor, ay agad na isinagawa ang isang entrapment operation. Noong Mayo 27, 2022, ay muling tinawagan ni Albao ang nagrereklamo para hingin ang natitirang P500,000.00 at nagbantang ipapasa ang internal tax liabilities ng complainant sa BIR region.
Sa araw ding iyon ay nagtungo ang nagrereklamo sa tanggapan ni Albao para dalhin ang natitirang P500,000.00 na kaniyang hinihingi. Si Albao ay inaresto sa kaniyang opisina sa BIR Pettit Barracks, Zamboanga City at dinala sa tanggapan ng NBI-WEMRO.
Noong May 28, 2022, si Albao ay iprinisinta sa City Prosecutor para sa Inquest proceedings para sa paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Article 294 (Robbery with violence against or intimidation of persons) ng Revised Penal Code as amended, RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), at RA 8424 (Tax Reform Act of 1997).
Report ni Ghadz Rodelas