BIR target na makakolekta ng P3.23 trilyong buwis ngayong taon

Itinakda ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa 3.23 trillion pesos ang target nito na koleksyon sa buwis ngayong 2025.
Ito ang inihayag ni BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr., sa kickoff ng tax campaign nito na “Buwis na Tapat, Tagumpay Nating Lahat” sa South NCR.
Ayon kay Lumagui, mas magiging agresibo ang BIR para maabot ang nasabing tax collection na kailangan para sa pagpapatakbo ng gobyerno at sa pagpapabuti ng mga serbisyo sa mga Pilipino.
Aniya, “Gagawin natin lahat para makamit ang target natin ngayong 2025 na 3.23 trillion, dahil alam naman narin kung gaano ka-importante ito sa mga programa para maipatupad ng ating gobyerno.”
Kabilang na rito ang pagpapabuti pa sa digitalization ng tax system.

Sabi pa ni Lumagui, noong 2024 ay nakakolekta ang BIR ng P2.85 trilyong buwis na pinakamataas na koleksyon ng kawanihan sa kasaysayan.
Sinabi ni Lumagui na ang 2025 target tax collection ay hindi lang dapat maging hangarin ng BIR, kundi lahat ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis para sa mas maunlad na bansa.
Ayon sa opisyal, “Taxes often seen as a burden or a necessity are in fact the lifeblood of our society. They fund our schools where our children learn, they support our healthcare system where our loved ones are cared for, they maintain our roads and infrastructure that we rely each and every day. They are not just numbers on balanced sheets, they are investments in our shared future in a kind of world we want to pass on the next gen.”
Samantala, pinaalalahanan din ng BIR chief ang mga kandidato sa darating na halalan, na magrehistro kung tatanggap ng mga donasyon at gagastos sa kanilang kampanya at magbayad ng karampatang buwis.
Aniya, “Kinakailangan na i-account natin lahat ng mga natanggap na donasyon at lahat ng mga gastos natin kapag tayo ay nagbabayad sa suppliers katulad ng mga ads. Kung tayo ay bumibili ng campaign paraphernalia ay kinakailangan nating magwithold ng porsiyento nito.”
Moira Encina-Cruz