Bishop sa Nicaragua na kritiko ng gobyerno, kinasuhan ng conspiracy
Iniulat ng isang judicial body, na isang Nicaraguan bishop na naging mahigpit na kritiko ng gobyerno ni Pangulong Daniel Ortega at nasa ilalim ng house arrest mula pa noong Agosto, ang kinasuhan ng pakikipagsabwatan o conspiracy at pagpapalaganap ng maling balita.
Sinabi ng Central Judicial Complex of Managua sa isang press release, na si Bishop Rolando Álvarez, 56-anyos, ay kinasuhan ng “mga krimen ng pakikipagsabwatan upang pahinain ang pambansang integridad at pagpapalaganap ng maling balita sa pamamagitan ng mga teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon sa kapinsalaan ng estado at lipunan ng Nicaragua.”
Ayon sa statement, ang mga kaso ay dinala ng prosecutor’s office sa harap ng isang hukom ng Managua Criminal District Court.
Inatasan ng hukom ang obispo na manatili sa ilalim ng house arrest, nagtalaga para sa kaniya ng isang public defender at itinakda ang una niyang pre-trial hearing sa Enero 10, 2023.
Si Alvarez, obispo ng diyosesis ng hilagang departamento ng Matagalpa, ay dinala ng pulisya sa Managua noong Agosto 19 at inilagay sa ilalim ng house arrest, pagkatapos na pigilin ng dalawang linggo sa loob ng kanyang tirahan.
Matapos siyang maaresto, sinabi ng pulisya na ang obispo, na miyembro rin ng Nicaraguan Episcopal Conference, ay iniimbestigahan para sa pagtatangkang “i-destabilize ang bansa.”
Bukod sa obispo, anim na iba pang religious figures ang inaresto rin noong Agosto at idinitini sa isang kulungan sa Managua, nang hindi ibinunyag kung ano ang kanilang mga kaso.
Nitong Martes, naghain din ng reklamo ang prosecutor’s office laban kay Uriel Antonio Vallejos, parish priest sa siyudad ng Sebaco sa sentro ng bansa. Siya ay idineklarang “fugitive from justice” at ayon sa mga awtoridad, isang warrant para sa kaniyang pagkakaaresto ang dinala sa Interpol.
Ang mga paratang laban kay Alvarez ay dumating sa gitna ng tensiyonadong relasyon sa pagitan ng Simbahang Katoliko at ng gobyerno ni Ortega na nagsimula noong 2018, nang ang bansa ay yanigin ng malalaking protesta laban sa gobyerno.
Iniugnay ng pangulo ang mga demonstrasyon sa isang nabigong kudeta na aniya’y itinutulak ng oposisyon sa suporta ng Washington, at inakusahan ang mga obispo na kasabwat sa diumano’y pakana.
Sa unang bahagi ng taong ito, pinatalsik ng gobyerno ang apostolic nuncio na si Waldemar Sommertag, ipinagbawal ang Missionaries of Charity Association, of the order of Mother Teresa of Calcutta, at isinara ang ilang Catholic media, kabilang ang channel sa telebisyon ng Episcopal Conference.
© Agence France-Presse