Biyuda ni Gov. Degamo muling ihihirit ang pagpapatalsik ng Kongreso vs. Cong. Teves
Hinihintay ng biyuda ng napaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo ang magiging desisyon ng Kongreso, matapos ang suspensyong ipinataw kay Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves, Jr.
Sa panayam ng NET 25 TV/Radyo Program Ano Sa Palagay Nyo? (ASPN), sinabi ni Mayor Degamo na posibleng mag-refile siya ng expulsion petition laban kay Teves.
Una nang naghain ng expulsion petition sa Kamara si Pamplona Mayor Janice Degamo na ibinasura naman ng Mababang Kapulungan.
“We will, I am only waiting for the course of action that Congress will make… I am waiting for the exact information so we can do the next move that we intent to do,” pahayag ni Mayor Degamo.
“Pakikinggan din naman natin yung reason ng Congress eh, for whatever it is, for whatever stand they may take after the suspension of the congressman, so titingnan namin but definitely we are going to make a move po after we get to see the exact information of the move of Congress po,” dagdag na paliwanag pa ng alkalde.
Samantala, ibinasura naman ng Kamara de Representante ang hiling na leave of absence ni Teves sa kaniyang legislative duty sa Kongreso.
Sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco, na nais ni Teves na mag-file ng leave of absence hanggang sa panahong mabawasan o mawala na ang umano’y banta sa kaniyang buhay.
Ito ang isinasaad sa ipinadalang sulat ni Teves sa House Committee on Ethics and Priveleges noong May 22,2023 kung kailan napaso ang kaniyang dalawang buwang suspensyon.
Naninindigan ang Kamara na dapat umuwi muna sa bansa si Teves bago pagbigyan ang kahilingan nitong bakasyon.
Patuloy ang pagtanggi ni Teves na umuwi sa bansa sa kabila ng panawagan mismo ni House Speaker Martin Romualdez, at harapin ang kaniyang problema matapos kasuhan kaugnay sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sinabi ni Velaso na maituturing na absent without official leave (AWOL) si Teves, dahil wala na itong official travel order mula sa Office of the Secretary General ng House of Representatives.
Weng dela Fuente