Boksingerong Briton na si Amir Khan magreretiro na
Inanunsiyo ng dating British light welterweight world champion na si Amir Khan, na magreretiro na siya sa boksing.
Nagpasalamat ang 35-anyos na boksingero dahil naging maganda ang takbo ng kaniyang boxing career sa loob ng 27 taon, nguni’t panahon na aniyang magpahinga.
Si Khan ay 17-anyos pa lamang nang magwagi ng silver medal sa 2004 Athens Olympics, habang nakuha naman niya ang WBA light-welter belt nang talunin ang Ukrainian boxer na si Andriy Kotelnyk noong 2009. Napasakamay naman niya ang IBF title matapos talunin si Zab Judah ng US noong 2011.
Sa kabuuan, si Khan ay may record na 34 na panalo at anim na talo. Ang huli niyang laban ay noong Pebrero, kung saan natalo siya ni Kell Brook.