Bolsonaro, kinuwestiyon ng pulisya ng Brazil sa kaso ng pamemeke ng pagbabakuna
(FILES) Former Brazilian President Jair Bolsonaro (Photo by MAURO PIMENTEL / AFP)
Nakipag-usap sa pulisya sa loob ng ilang oras ang dating pangulo ng Brazil na si Jair Bolsonaro, bilang bahagi ng pagsisiyasat sa umano’y pamemeke ng mga sertipiko ng pagbabakuna laban sa Covid-19, para sa kaniyang sarili at sa kaniyang “inner circle.”
Si Bolsonaro, na ang bahay ay ni-raid bilang bahagi ng parehong pagsisiyasat sa mga unang bahagi ngayong Mayo, ay dumating sa federal police headquarters sa Brasilia sakay ng isang kotse na may tinted na bintana, at umalis pagkaraan ng apat na oras nang hindi nagsalita sa press.
Sa kaniyang post sa Twitter ay sinabi ng tagapayo ni Bolsonaro na si Fabio Wajngarten, na sa “humigit-kumulang tatlong oras” ng pagbibigay ng testimonya sa pulisya, ay itinanggi ng dating pangulo ang pagkakasangkot sa umano’y “plot.”
Ayon kay Wajngarten, “lahat ng tanong” ay sinagot ni Bolsonaro at “iginiit na ni minsan ay hindi pa siya nabakunahan,” at wala siyang alam sa anuman o lahat ng inisyatibo para sa “forgery, insertion, or adulteration” sa kaniyang vaccination card maging ang sa kaniyang anak na babae.
Sinabi ng federal police, na natuklasan nila ang isang pamamaraan kung saan ang isang nangungunang aide ni Bolsonaro na si army colonel Mauro Cid, di-umano ay gumamit ng isang network of contacts sa health system at gobyerno, upang makakuha ng mapanlinlang na mga sertipiko ng pagbabakuna para kay Bolsonaro, sa anak nitong babae, sa kaniyang sarili, sa kaniyang asawa at mga anak na babae, at dalawang iba pang presidential aides.
Sinabi ng pulisya na mayroong katibayan na “alam” ni Bolsonaro ang “fraudulent entries” sa electronic vaccination records system ng health ministry, na anila ay may layunin na ang kaniyang “anti-vaccine inner circle” ay makaiwas sa international travel requirements at iba pang pandemic restrictions.