Booster dose ng COVID-19 vaccine para sa edad 12 hanggang 17 na immunocompromised , nagsimula na
Pwede nang magpaturok ng Booster dose ng COVID- 19 vaccine ang mga nasa edad 12 hanggang 17 anyos na immunocompromised.
Ayon kay Health Usec Myrna Cabotaje, hepe ng National Vaccination Operations Center, 28 araw lang ang kailangang interval sa pagitan ng 2nd dose at booster shot.
Ang bakunahan para sa kanila gagawin sa mga Ospital.
Kailangan lang aniyang magdala ng vaccination card, medical certificate, consent form na pirmado ng magulang o guardian at ascent form naman para sa bata.
Kabilang sa mga itinuturing na immunocompromised ng Department of Health ay ang mga sumusunod :
- mga sumasailalim sa active cancer treatment para sa tumor o cancer sa dugo
- sumailalim sa organ transplant
- mga indibidwal na may moderate o severe primary immunodeficiency
- may advanced o untreated HIV infection
- sumasailalim sa treatment na nagsu- suppress ng immune response
- mga nagda- dialysis
- may autoimmune disease
- mga may kondisyon na itinuturing na immunocompromised gaya ng malnutrition
Nilinaw naman ni Cabotaje na makalipas ang ilang araw, isusunod na rin nila ang bakunahan para sa iba pang populasyon ng mga 12 hanggang 17 yrs old.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, nasa mhigit 238 libong immunocompromised na nasa edad 12 hanggang 17 anyos ang inaasahan nilang magpabakuna para sa 1st booster.
Aalamin naman aniya nila kung ilan na sa 9.4 milyong fully vaccinated sa nasabing age group ang pwede ng magpabooster.
Para sa kanila, COVID-19 vaccine palang ng Pfizer ang pwedeng gamitin para sa booster.
Hinikayat naman ng DOH ang mga magulang na paturukan na ng booster dose ang kanilang mga anak bilang preparasyon sa pagbubukas ng klase.
Madelyn Villar-Moratillo