Booster shot vaccination kontra COVID- 19 para sa mga kabataan, inirekomenda
Inirekomenda na ng Health Technology Assessment Council ang booster shot vaccination kontra COVID- 19 para sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 anyos.
Ayon kay Health Usec. Myrna Cabotaje, sa susunod na linggo inaasahang mailalabas naman ng National Vaccination Operations Center ang guidelines para rito.
Sa kasalukuyan, ang mga nasa edad 18 pataas palang ang pwedeng magpaturok ng 1st booster shot habang ang mga health worker, senior citizen at immunocompromised naman tinuturukan na rin ng 2nd booster.
Nilinaw rin ni Cabotaje na sa ngayon ay wala paring rekumendasyon ang HTAC para sa pagbibigay ng 2nd booster sa iba pang myembro ng populasyon.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, sa ngayon ay nasa mahigit 69 na milyong filipino ang fully vaccinated na sa bansa.
Sa bilang na ito, 20% palang ang nabigyan ng booster shot.
Ibig sabihin, may 54 na milyon aniya ang pwede na sanang magpabooster pero hindi naman nagpapabakuna.
Kaya naman bilang bahagi ng pagpapaigting ng vaccination efforts ng gobyerno, inilunsad sa isang mall sa Quezon City ang Back-to-Vax Champion COVID-19 Vaccination Ramp-Up Event para mas makahiyakat ng maraming filipino na magpabakuna na.
Madelyn Villar- Moratillo