Booster shots para sa priority groups, target simulan sa susunod na buwan
Target ng National Task Force (NTF) Against Covid-19, na umpisahan na sa Nobyembre ang pagbibigay ng booster shot sa priority groups.
Ito’y makaraang aprubahan ng Department of Health (DOH), ang probisyon sa booster shot para sa health care workers (A1) na fully vaccinated na, at unang nabakunahan noong Marso.
Sinabi ni NTF chief implementer Secretary Carlito Galvez, Jr. na priority rin ang senior citizens (A2), at immunocompromised adults (A3).
Ayon kay Galvez, naglabas na ng positive opinion ang Health Technology Assessment Council (HTAC) at All Experts Groups on Covid-19 Vaccines, hinggil sa pagbibigay ng booster shots.
Sinabi pa ng kalihim, na ipino-proseso na ng DOH ang emergency use authorization na inamyendahan para sa iba’t-ibang brand ng bakunang gagamitin bilang booster.
Nabatid na 2 milyong booster doses ang nakalaan para sa A1, at tig-5 milyon naman para sa A2 at A3.
Aniya . . . “We have enough doses for them. Regardless of brand, mayroon po tayong nakatabi.”
Dagdag pa ni Galvez, hinihintay na lamang nila ang anunsiyo ng All Expert Groups kung ang pagbabakuna ay heterologous (mixed brand) o homologous (same brand) vaccination, gayundin ang para sa final guidance mula sa Strategic Advisory Group of Experts on Immunization ng World Health Organization.
Kung ito ay heterologous (mixed brand), nangangahulugan na ang mga unang nabakunahan ng Sinovac ay maaaring bigyan ng Pfizer, AstraZeneca o Moderna bilang booster shot.