Botohan ng JBC para sa shortlist nito ng mga kandidato sa pagka-Punong Mahistrado, inilipat sa August 24

Sa Biyernes, August 24 isasagawa ng Judicial and Bar Council ang botohan nito para sa shortlist ng mga kandidato sa pagka-Chief Justice.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ex-officio vice-chair ng JBC, nitong Lunes dapat sila magbobotohan pero ipinagpaliban nila ito  para magkaroon sila ng mas mahabang panahon na pag-aralan ang mga dokumento.

Pipili ang Pangulo ng susunod na Chief Justice mula sa nasabing shortlist na isusumite ng JBC.

Noong nakaraang Huwebes sumalang sa public interview ng JBC ang limang aplikante sa posisyon ng Punong Mahistrado.

Ito ay sina Supreme Court Associate Justices Lucas Bersamin, Teresita De Casto, Diosdado Peralta, Andres Reyes Jr at Tagum City RTC Judge Virginia Tehano-Ang.

Nabakante ang pwesto ng Chief Justice matapos mapatalsik si Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto dahil sa hindi pagsusumite ng kanyang SALN nang ito ay propesor sa UP College of Law.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *