Bottled water nagtataglay ng daang libong piraso ng plastic ayon sa pag-aaral
Sinasabi sa isang bagong pag-aaral sa Proceedings of the National Academy of Sciences, na ang bottled water ay daang ulit na mas malala kaysa unang naisip pagdating sa bilang ng maliliit na butil ng plastic na nilalaman nito.
Gamit ang bagong imbentong technique, nabilang ng mga siyentipiko ang average na 240,000 detectable fragments ng plastic kada litro ng tubig sa mga sikat na brands — nasa pagitan ng 10-100 ulit na mas mataas kumpara sa naunang pagtaya — na nagpapataas sa potensiyal na alalahanin tungkol sa kalusugan na kinakailangan ng dagdag na mga pag-aaral.
Sinabi ni Beizhan Yan, isang associate research professor ng geochemistry sa Columbia University at co-author ng pag-aaral, “If people are concerned about nanoplastics in bottled water, it’s reasonable to consider alternatives like tap water.”
Ngunit idinagdag niya, “We do not advise against drinking bottled water when necessary, as the risk of dehydration can outweigh the potential impacts of nanoplastics exposure.”
Nitong nagdaang mga taon, ay nagkaroon ng tumataas na pandaigdigang atensyon sa microplastics, na humihiwalay mula sa mas malalaking pinagmumulan ng plastic na ngayon ay matatagpuan na sa lahat ng dako, mula sa polar ice caps hanggang sa tuktok ng mga bundok, na dumadaloy sa ecosystems at nakahanap ng daan patungo sa inuming tubig at pagkain.
Bagama’t ang microplastics ay wala pang 5 millimeters, ang nanoplastics ay inilalarawan bilang mga butil na mas maliit sa 1 micrometer (a billionth of a meter) — sobrang liit kaya maaari itong dumaan sa digestive system at baga, at direktang papasok sa daluyan ng dugo at mula roon ay patungo sa mga organ, kabilang ang utak at puso. Maaari rin itong dumaan sa placenta patungo sa katawan ng hindi pa isinisilang na sanggol.
Limitado lamang ang mga pananaliksik sa epekto nito sa ecosystems at kalusugan ng tao, bagama’t sa ilang pag-aaral sa mga laboratoryo ay iniuugnay ito sa pagkakaroon ng ‘toxic effects,’ kabilang ang reproductive abnormalities at gastric issues.
Upang pag-aralan ang nanoparticles sa bottled water, ang team ay gumamit ng isang technique na tinatawag na Stimulated Raman Scattering (SRS) microscopy, na kamakailan ay naimbento ng isa sa co-authors, at trinabaho ito sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa samples gamit ang dalawang lasers na inayos upang “mag-resonate” ang specific molecules, at mabunyag kung ano ito sa isang computer algorithm.
Sinuri nila ang tatlong nangungunang brands pero ayon kay Yan ay pinili nilang huwag pangalanan ang mga ito, “because we believe all bottled water contain nanoplastics, so singling out three popular brands could be considered unfair.”
Lumitaw sa resulta ang nasa pagitan ng 110,000 hanggang 370,000 particles per liter, na ang 90 porsiyento ay nanoplastics habang ang iba ay microplastics.
Ang pinakakaraniwan ay nylon — na malamang na mula sa plastic filters na ginagamit sa pag-purify sa tubig – sinundan ng polyethylene terephthalate o PET, kung saan mismo gawa ang plastic bottles, na kumakatas kapag ang bote ay pinisil. Ang iba pang uri ng plastic ay pumapasok sa tubig kapag ang takip ng bottled water ay binubuksan at isinasara.
Sa susunod, ay umaasa ang team na masiyasat naman ang tap water o tubig sa gripo, na nasumpungan din na nagtataglay ng microplastics, bagama’t sa mas mababang lebel.