Broadband ng Masa inilunsad ng DICT sa Zamboanga City
Bilang bahagi ng inisyatiba ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na magbigay ng libreng internet services sa malalayong lugar sa bansa, inilunsad nito ang 3 “Broadband ng Masa” sites sa Zamboanga City.
Kasama sa unang pinuntahan ng DICT ang Sacol Island para tignan kung pwede silang lagyan ng stable internet service.
Matapos ang ginawang assessment, nakita na pwede ring lagyan ng kuneksyon ang mga isla ng Tigtabon at Pangapuyan.
Ayon kay DICT Assistant Secretary for Regional Development Maria Teresa Camba, ang mga residente sa nasabing lugar hirap kahit sa tawag o text man lang.
Ayon sa DICT, ang libreng internet service sa isla ng Sacol ay accessible sa Madrasah, Landang Laum Elementary School, Landang Laum Barangay Hall, at Landang Gua Elementary School.
Habang sa isla naman ng Pangapuyan, pwede itong ma-access sa Pangapuyan Elementary School at sa Pangapuyan Barangay Hall.
Habang sa Tigtabon ang Broadband ng Masa site ay nasa Tigtabon Barangay Hall.
Ayon kay Camba, puwede nang magamit ang mga nasabing broadband sites.
Madelyn Villar-Moratillo