BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard na may dalang relief goods dumating na sa Catanduanes
Nasa Catanduanes na ang BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard dala ang relief supplies para sa mga kababayan natin roon na naapektuhan ng pananasala ng Bagyong Rolly.
Ayon sa PCG, dumating ang BRP Gabriela Silang sa Port of Virac kaninang 7:30 ng umaga.
Ang nasabing barko ay umalis sa Port of Manila noong Miyerkules ng hapon.
Karga ng BRP Gabriela Silang ang iba’t ibang relief supplies mula sa Department of Social Welfare and Development gaya ng food packs , mga inuming tubig, hygiene kits at mga sleeping kit.
May dala rin itong sako sako ng bigas, mga de lata at iba pang food supply mula sa PCG at PCG Auxilliary.
May mga dala rin silang yero mula sa Philippine Red Cross upang magamit ng mga residente sa pagsasaayos ng kanilang nasirang bahay dahil sa bagyo.
Mayroon ring mga donasyong personal protective equipments, mga face mask at face shield, gloves at alkohol.
Ayon sa PCG, ibababa lang nila ang mga nasabing supply at pagkatapos ay agad ring babiyahe pabalik sa Maynila ang BRP Gabriela Silang upang kuhanin ang iba pang relief assistance para sa ating mga kababayan na sinalanta ng bagyo.
Madz Moratillo