BSP nakikipag-ugnayan sa mga bangkong na sangkot sa mga di otorisadong transaksyon
Tiniyak ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno na gagawin ng central bank ang lahat para masiguro ang integridad at kaligtasan ng financial system at proteksyon ng financial consumers sa bansa.
Kasunod ito ng mga reklamo mula sa ilang BDO depositors ukol sa sinasabing hacking at hindi otorisadong bank transactions sa kanilang accounts.
Sa isang statement, sinabi ng BSP na minomonitor nila ang dagsa ng mga reklamo sa social media mula noong nakaraang linggo ukol sa isyu.
Nakipag-ugnayan na rin ang BSP sa BDO at maging sa Union Bank para masiguro na maisagawa ang remedial measures kabilang ang reimbursements sa mga apektadong kliyente.
Kaugnay nito, nanawagan ang Bankers Association of the Philippines sa publiko na mas maging mapagbantay at maingat sa harap ng dumaraming bilang ng cyberattacks.
Pinayuhan ng grupo ang publiko na huwag magbibigay ng mga personal na impormasyon gaya ng one-time password sa ibang tao upang hindi manakaw ng cybercriminals ang kanilang pera.
Moira Encina