BSP nakikipag-ugnayan sa mga bangkong naapektuhan ng Odette para sa full restoration ng serbisyo
Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nakikipag-ugnayan ito sa mga bangko sa Visayas na naapektuhan ng bagyong Odette ukol sa panunumbalik ng full operations nito.
Iniulat ng mga apektadong bangko sa BSP na nagpapatupad ito ng mas maikling banking hours dahil sa problema sa suplay ng kuryente, linya ng komunikasyon, at internet service bunsod ng bagyo.
Kaugnay nito, inabisuhan ng central bank ang mga residente at konsyumer mula sa mga nasabing lugar na kung posible ay gamitin ang e-banking at digital payment services ng mga bangko.
Hinimok din ng BSP ang mga kliyente na makipag-transaksyon sa mga bangko at branch-lite units sa kalapit na lugar na fully- operational.
Sinabi ng BSP na para bumilis na makabalik sa full operations ang mga apektadong bangko ay umuugnay na rin ito sa mga utility companies at web service providers.
Umaasa anila ang banking community sa mga sinalantang lugar na agad na maibalik nang buo ang utility at internet services para maipagpatuloy na rin ang kanilang operasyon.
Moira Encina