BSP nilinaw na wala itong inilabas na mga bagong disenyo ng perang papel
Pinabulaanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kumakalat sa social media na larawan ng 500-piso commemorative banknote.
Unang nailathala ang nasabing salapi na kinatatampukan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa isang satirical news site at ibinahagi naman ng marami sa social media.
Sa abiso ng BSP, sinabi na hindi ito naglabas ng mga bagong disenyo ng banknotes o perang papel.
Kaugnay nito, binalaan ng central bank ang publiko laban sa pagtanggap ng mga pekeng salaping papel.
Hinimok din ng BSP ang publiko na maging mapanuri at iulat ang paggamit ng mga fake banknotes sa pulisya o sa Payments and Currency Investigation Group nito.
Alinsundo sa batas, ang counterfeiters o namemeke ng pera ng Pilipinas ay maaaring patawan ng parusang pagkakakulong na hindi bababa sa 12 taon at isang araw at multa na hindi lalagpas sa Php 2 milyon.
Moira Encina