BSP papatawan ng parusa ang BDO at Union Bank ukol sa hacking incident
Natapos na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang imbestigasyon nito sa hacking sa halos 700 bank accounts ng BDO depositors noong Disyembre 2021.
Sa nasabing insidente, na-access ng mga hackers ang accounts sa BDO Unibank at hindi otorisadong inilipat ang karamihan ng mga pondo sa Union Bank accounts.
Ayon sa BSP, inaprubahan ng Monetary Board ang pagpataw ng sanctions sa BDO at Union Bank batay sa resulta ng imbestigasyon nito.
Hindi naman idinetalye ng central bank ang kinalabasan ng imbestigasyon at ang parusa sa dalawang bangko.
Sinabi ng BSP na layon ng sanctions na matiyak ang mabilis na pagtugon ng parehong bangko sa mga isyu.
Binibigyang-diin anila ng parusa ang kahalagahan ng patuloy na pagpapalakas sa
risk management systems kaugnay sa cybersecurity, anti-money laundering, at paglaban sa terorismo.
Pinapagtibay din daw ng sanctions ang pangangailangan para maging proactive ang mga bangko sa pagbibigay ng sapat na proteksyon sa mga depositors.
Moira Encina