BSP: Suplay ng bagong perang papel at barya sapat ngayong holiday season
Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na may sapat na suplay ng mga bagong salaping papel at barya sa harap ng pagtaas ng demand nito ngayong holiday season.
Ayon sa BSP, ipinapakita sa historical data na nagsisimula ang pagdami ng currency demand tuwing Oktubre at nagpapatuloy hanggang Disyembre kada taon.
Ang mga denominasyon na may pinakamataas na demand sa mga nasabing panahon ay P1,000, P100, at P50 na mga perang papel, at ang P20, P1 at P0.25 na mga barya.
Inabisuhan ng central bank ang publiko na papalitan sa kanilang bangko ng mga bago ang kanilang “unfit” na salaping papel at barya.
Wala anila itong bayad at parte ng hakbangin ng BSP para maisulong ang episyenteng resirkulasyon ng fit currency.
Hinimok din ng BSP ang publiko na regular na gamitin ang kanilang mga barya sa pagbayad ng mga bilihin at serbisyo.
Moira Encina