Bucks star na si Giannis Antetokounmpo, pumayag na ma-extend ang kontrata
Pumayag ang Milwaukee Bucks superstar na si Giannis Antetokounmpo, sa tatlong taong contract extension na nagkakahalaga ng $186 million.
Dahil sa extended contract ng two-time NBA Most Valuable Player, kaya mananatili pa siya sa Bucks hanggang sa pagtatapos ng 2026-2027 season.
Ang bagong deal ni Antetokounmpo ay nagbibigay din sa kanya ng opsyon na manatili sa club sa 2027-2028 campaign, ngunit maaari siyang maging free agent sa Hulyo 2027, sa edad na 32.
Kinumpirma ni Antetokounmpo ang kaniyang contract extension sa isang post sa social media, pero hindi na nagbigay ng iba pang mga detalye.
Ginugol ng Greek star ang kabuuan ng kanyang karera sa NBA sa Milwaukee mula nang ma-draft ng prangkisa noong 2013 bilang 15th overall pick.
Ang 28-anyos ay itinuturing na isa sa mga pinakamahusay na manlalaro sa basketball, na iginiya ang Bucks sa NBA Finals noong 2021.
Kamakailan sa preseason media day ng Bucks sa unang bahagi ng buwang ito, sinabi ni Antetokounmpo na hindi siya nagmamadaling lumagda sa isang contract extension bago ang 2024 – at binigyang-diin na nais niyang makatiyak na namamalagi ang ‘commitment’ ng prangkisa na makakuha ng titulo.
Aniya, “I want to be a Milwaukee Buck for the rest of my career — as long as we are winning. It’s as simple as that.”
Ang kanyang desisyon na mag-extend ngayon ay isang boto ng kumpiyansa sa Bucks front office, na nakakuha ng pinakamalaking deal sa offseason matapos matagumpay na makipagkalakalan para sa Portland star na si Damian Lillard noong Setyembre.
Ang bagong deal ni Antetokounmpo ay tatagal din gaya ng kontrata ni Lillard sa club.
Bubuksan ng Bucks ang kanilang 2023-2024 season sa Huwebes, at makakaharap nila ang Philadelphia 76ers.