BuCor hihilingin kay PBBM na ideklara ang bahagi ng ilang military reservations sa bansa bilang heinous crimes facilities
Ipapanukala ng Bureau of Corrections (BuCor) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklara ang porsyon ng ilang military reservations sa bansa na heinous crime facilities.
Ito ay alinsunod sa limang taon na modernization at development plan ng BuCor na isusumite sa Marso ng kawanihan kay PBBM.
Ayon kay BuCor Acting Chief Gregorio Catapang Jr., kabilang sa hihilingin ng BuCor na mapagtayuan ng hiwalay na piitan para sa heinous crimes convicts ay ang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Camp Peralta sa Capiz, at Camp Kibaritan.
Posible aniyang sa 2024 na magsimula ang konstruksyon ng mga nasabing pasilidad na may prison population na hanggang 2,500 PDLs.
Pero ngayong taon aniya ay mauumpisahan na ang pagtatayo ng heinous crime offenders facility sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Mindoro Occidental.
Kaugnay nito, sinabi ni Catapang na parte ng development plan ng BuCor na gawing food production center ang mga idle land o nakatiwangwang na lupain ng BuCor.
Ito ay bilang pagsuporta na rin sa food security program ng pamahalaan.
Ang mismong mga PDL aniya ang magtatanim o makakatuwang sa modernized farming sa mga lupa ng BuCor na makakatulong din para sa kanilang good conduct time allowance.
Ayon pa kay Catapang, ang 20 ektaryang lupain ng Iwahig Prison and Penal Farm ay inalok na niya para maging site sa hybrid rice production.
Moira Encina