BuCor iniimbestigahan na ang pagkakadawit ng sinasabing Bilibid inmate sa pagpaslang sa brodkaster na si Percy Lapid
Inatasan na ni Justice Secretary Crispin Remulla ang Bureau of Corrections (BuCor) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pagkakasangkot ng sinasabing inmate sa New Bilibid Prisons (NBP) sa pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid.
Sinabi ni BuCor Deputy Director General Gabriel Chaclag na iniutos ng justice chief na makipagtulungan ang BuCor sa Pambansang Pulisya sa pag-iimbestiga sa alegasyon ng sumukong gunman sa Percy Lapid case.
Ayon pa kay Chaclag, matapos din na maipabatid sa kanila sa BuCor ang pahayag ng gunman na isang Bilibid inmate ang umano’y nagpapatay kay Lapid ay agad din nilang ipinag-utos sa NBP superintendent na mag-imbestiga.
Tiniyak ng opisyal na kaisa ang BuCor sa paghanap sa katotohanan sa kaso.
Hindi rin aniya pinamamarisan ng BuCor ang mga nasabing insidente dahil mali na ang isang bilanggo ay nakakaugnay pa sa mga kasabwat nito sa labas ng kulungan para gumawa ng krimen.
Kaugnay nito, inihayag ni Chaclag na bukas ang BuCor sa anumang imbestigasyon sa pangyayari gaya ng Senate hearing.
Ito ay para aniya maberipika rin ang mga alegasyon ng nagpakilalang bumaril kay Lapid.
Sinabi pa ni Chaclag na seryoso sila sa kanilang trabaho at handa na isaayos pa ang kanilang sistema sa piitan kapag napatunayan na may lapses o mga pagkukulang.
Iginiit naman ni Chaclag na ipinagbabawal ang cellphone sa Bilibid at maging silang mga opisyal ay hindi exempted sa polisiya.
Moira Encina