BuCor muling magpapalaya ng maraming PDLs sa susunod na linggo; Carpeta o prison records ng inmates, isinasaayos na
Aminado ang DOJ at ang Bureau of Corrections (BuCor) na isa sa mga problema sa piitan ngayon ay ang hindi maayos na prison records na dahilan para tumagal sa pagkakakulong ang maraming inmates na dapat matagal nang nakalaya.
Pero ito umano ay sinimulan nang ayusin sa pamamagitan ng digitalization ng carpeta o records ng PDLs.
Magkakaroon muli ng maramihang pagpapalaya ng mga preso sa mga kulungan ng Bureau of Corrections kasama ang New Bilibid Prisons (NBP) sa susunod na linggo.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla sa harap ng mga panibagong isyu sa Bilibid.
Ayon sa kalihim, pinag-aaralan na nila kung papaano mai-a-update ang mga rekord ng paglaya ng isang PDL.
Marami aniya sa mga bilanggo ay dapat laya na nang matagal pero dahil hindi maayos ang kanilang carpeta o prison record ay lagpas na ang taon na dapat ipiniit ng mga ito sa kulungan.
“Yan po sinisikap na ayusin sapagkat pwede naman theoretically kaya naming magpakawala kung titingnan nang mahigit 5000 pa sa ngayon mismo kung mapag-aaralan itong lahat ng mabilis” pahayag ng ni Justice Remulla
Isa sa mga pinalaya kamakailan ng BuCor ay si dating AFP Comptroller retired Major General Carlos Garcia makaraan na mapagsilbihan ang kaniyang sentensya.
Sa tala ng BuCor, sinentensyahan si Garcia ng parusang pagkakakulong ng 18 taon at apat na buwan pero sobra na umano na ng dalawang taon ang pagkakapiit nito batay sa kompyutasyon sa kaniyang good conduct time allowance.
Tiniyak naman ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. sa mga inmate na ipaprayoridad nila ang digitalization ng carpeta para malaman agad ng mga ito kung kailan ang kanilang paglaya.
“Kailangan mayroon kayong carpeta na hawak hawak ninyo e napabayaan din yan” saad pa ni BuCor Chief Catapang
“Aayusin natin yan 80 percent yata o 90 percent sa inyo di alam kung kelan kayo lalaya. Yan ang uunahin natin dapat gusto ninyo lumaya dapat alam ninyo kung anong araw anong oras” dadag na pahayag ni Bucor Chief
Kumpiyansa ang DOJ at BuCor na sa mga susunod na buwan ay mas marami pa ang mapapalayang bilanggo dahil mas maisasaayos na ang PDL records.
“Kaya lang yung computerization ng records ngayon lang nagsimula we were the only ones who started the computerization of records yung huli wala talaga mano-mano ngayon lang nagsisimula pero ang tingin namin sa ilang buwan mas maganda na ang aming pagbasa sa record ng lahat ng mga nakapiit” paliwanag ni Remulla.
Moira Encina