Bulkan sa Guatemala sumabog, subalit wala pang nangyayaring paglilikas
Nagbuga ng lava at abo ang Fuego volcano sa Guatemala, sa isang serye ng pagsabog ngunit ayon sa mga awtoridad, wala pang ipinag-uutos na paglikas.
Ayon kay Emilio Barillas ng Insivumeh volcano institute, ang nangyaring pagsabog ay nagdulot ng pagdaloy ng tila ilog na nagbabagang putik, may 35 kilometro timogkanluran ng Guatemala City.
Ang bulkang Fuego, na 3.7 kilometro ang taas ay isa sa tatlong aktibong bulkan sa Guatemala.
Sinabi ni Barillas, na ang kamakailan ay naitalang aktibidad ng bulkan ang pinakamalakas mula noong 2018, nang magpakawala ito ng putik at abo na sanhi para mabura sa mapa ang San Miguel Los Lotes village, kung saan higit 200 katao ang nasawi.
Ayon naman sa Conred disaster coordination center, walang ibang iniulat ang ilang komunidad sa paanan ng bulkan kundi ang pag-ulan ng abo.
Sinabi ni Conred spokesman David de Leon, sa ngayon ay wala pang sinimulan na evacuation program subalit mahigpit na binabantayan ang sitwasyon.