Bulkan sa Iceland sumabog
Inihayag ng Iceland Meteorological Office(IMO), na nagsimula nang sumabog ang isang bulkan, sa timog ng kabisera ng Reykjavik, kasunod ng “earthquake swarm” o maraming paglindol.
Ilang linggo nang nasa mataas na alerto ang Iceland para sa isang potensiyal na pagsabog anumang sandali, pagkatapos ng isang matinding seismic activity sa timog-kanlurang peninsula, na noong isang buwan ay nag-udyok ng utos para sa paglilikas.
Ayon sa IMO, “At 22:17 this evening, a volcanic eruption began north of Grindavik on the Reykjanes peninsula. A Coast Guard helicopter will take off shortly to confirm the exact location and size of the eruption.”
Noong Nobyembre, libu-libong maliliit na mga paglindol ang yumanig sa rehiyon sa timog ng Reykjavik.
Ang halos 4,000 mga residente ng Grindavik, isang fishing port humigit-kumulang 40 kilometro (25 milya) mula sa kapitolyo, ay inilikas noong Nobyembre 11, makaraang madetermina ng mga opisyal na isang tunnel ng magma ang naiipon sa kanilang ilalim, na itinuturing na panimula ng isang pagsabog.
Ayon sa mga residente, ang seismic activity ay puminsala ng mga kalsada at mga gusali.
Simula noon, ay pinapayagan lamang silang bisitahin ang kanilang mga tahanan sa isang tukoy na oras sa umaga.
Nag-organisa ang mga awtoridad ng occasional trips sa village, kung saan sinasamahan nila yaong mga nakatira sa pinakadelikadong bahagi, para kumuha ng ilang bagay gaya ng kanilang mga alaga, mga damit, muwebles o photo albums.
Ang pagsabog ng mga bulkan ay hindi na bago sa Iceland, na tahanan ng 33 active volcano systems, ang pinakamataas na bilang sa Europe.
Ngunit ang Reykjanes peninsula ay hindi pa nakaranas ng isang pagsabog sa loob ng walong siglo hanggang noong 2021.
Simula noon, tatlong pagsabog na ang nangyari na lahat ay sa liblib at walang nakatirang mga lugar, at ayon sa mga volcanologist, maaaring ito ay maging simula ng bagong mga aktibidad sa rehiyon.
Ang mga naunang pagsabog malapit sa Fagradalsfjall volcano sa Reykjanes peninsula ay nangyari noong 2021, 2022 at mga unang bahagi ng 2023.
Noong 2010, ang pagsabog ng matagal nang natutulog na bulkang Eyjafjallajokull ng Iceland — isang bulkang natatakpan ng yelo na higit sa 1,660 metro ang taas — ay nagpakawala ng napakaraming abo sa atmospera. Ang napakalaking pagsabog na iyon ay hindi nakamamatay, ngunit naging sanhi ng sapilitang pagkansela ng humigit-kumulang 100,000 flights habang higit sa 10 milyong mga manlalakbay naman ang na-stranded.
Matatagpuan sa North Atlantic, ang Iceland ay nasa itaas ng Mid-Atlantic Ridge, isang bitak sa ocean floor na naghihiwalay sa Eurasian at North American tectonic plates.