Buntis na nurse, kabilang sa nasawi sa pagguho ng isang gusali sa Sicily
Hinahanap na ng mga rescuer ang dalawa kataong nawawala mula sa gumuhong gusali sa isla ng Sicily sa Italy, matapos masawi ang pito katao kabilang ang isang buntis na nurse, sa hinihinalang gas explosion.
Apat na gusaling residensiyal ang sinira ng pagsabog na naganap sa bayan ng Ravanusa noong Sabado.
Ayon sa isang nakaligtas, ang pagsabog ay tila mula sa isang bomba.
Nasa 100 emergency worker ang nagtulong-tulong na maghanap ng survivors mula sa guho, na ayon sa mga bumbero ay isang “delicate & complex” operation.
Matapos makakuha ng apat na bangkay madaling araw kahapon, Lunes, ay itinuon na ang paghahap sa dalawa pang natitirang nawawala.
Iminumungkahi sa mga report, na ang mga nasawi at nawawala ay magkakamag-anak kung saan kabilang sa nasawi ang isang 30-anyos na nurse na nakilalang si Selene, na siyam na buwang buntis at nakatakda na sanang magsilang sa loob ng ilang araw.
Ayon sa civil protection agency ng Italy, kabilang sa sinira ng pagsabog ang isang apat na palapag na apartment building, sa central residential district ng bayan na may halos 11,000 naninirahan.
Ang katawan ng nurse ay natagpuan sa tabi ng kaniyang asawang si Giuseppe Carmina at mga magulang nito. Ang mag-asawa ay bumibisita sa mga magulang ni Carmina na nasa ikatlong palapag ng gusali nang maganap ang pagsabog.
Isa sa mga unang biktimang natagpuan ay ang retiradong high school teacher na si Pietro Carmina, na kagagaling lang mula sa Covid-19.
Dalawang babae ang nakuhang buhay mula sa debris noong Linggo sa tulong ng sniffer dogs.
Binuksan na ang isang imbestigasyon para alamin ang sanhi ng pagsabog, na ayon sa mga awtoridad ay malamang na isang gas leak.
Ayon naman sa natural gas distributor na Italgas, wala silang natanggap na report ng gas leaks bago nangyari ang insidente.
Wala rin anilang ginagawang construction work sa bahagi ng pipeline na naapektuhan ng pagsabog, at ang distribution network ng bayan ay na-inspeksiyon naman ng husto noong 2020 at ngayong taon. (AFP)