Buong suporta sa AFP Modernization tiniyak ni PBBM
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang buong suporta ng administrasyon para isulong ang pagpapaunlad sa militar at paghahanap ng paraan para paunlarin ang indibidwal na pamumuhay ng kasundaluhan.
Ginawa ng Pangulo ang pangako sa kaniyang pagpapasinaya sa ika-125 taong anibersaryo ng Philippine Navy sa headquarters nito sa Roxas Blvd. sa Maynila.
Sa kaniyang talumpati binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan para suportahang lubos ng gobyerno ang AFP modernization kasabay ng deklarasyon sa recalibration sa focus ng sandatahan sa external defense.
“Considering the changing tides of our national security and the significant gains that we have made in terms of internal security, our armed forces is working to recalibrate its focus more towards external defense of our borders,” mensahe pa ng Commander-in-Chief sa kaniyang talumpati.
“In this crucial transition, full support for the Armed Forces must be guaranteed especially for the Philippine Navy’s priority goals of enhancing its intelligence, defense and coordinative capabilities,” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.
Sinabi ni Pangulong Marcos na hangad niyang makumpleto na ang Horizon 3 ng AFP Modernization na nakatuon sa naval aspect ng military operations, kasunod ng commissioning sa dalawang fast attack interdiction craft-missile platforms – ang BRP Gener Tinangag at BRP Domingo Deluana.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na magbibigay-daan ito sa holistic transformation ng AFP bilang malakas, makabago at hindi matatawarang organisasyon.
“By then, the AFP will be more effective in its military aims and more responsive to our national goals,” dagdag pa ng Pangulo.
Bagama’t magtutuon ang militar sa external defense ng bansa, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi lang protector ng karagatan ng bansa ang Philippine Navy kundi mga “peaceful emissaries” ng bansa na sumusunod at nagtataguyod sa mga codes of conduct gaya ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at nang kaaaprubang ASEAN Guidelines for Maritime Interaction.
“In this light, it plays a significant role in our collective effort to nurture friendly international relations by fostering mutual trust and confidence, freedom of navigation and over-flight, and of course safety of our seas,” pahayag pa ni Pangulong Marcos.
Sa pagtitipon, sinaksihan din ng Pangulo ang pagbibigay gawad sa mga natatanging tauhan ng Philippine Navy.
Noong nakaraang linggo, kasama ng Pangulo si Navy Flag-Officer-in-Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr. na sinaksihan ang live demonstration ng anti-air warfare capabilities ng hukbo sa baybayin ng San Antonio, Zambales.
Ang aktibidad ay panimula sa selebrasyon ng Navy anniversary ngayong araw para ipakita ang commitment ng hukbo na maprotektahan ang karagatan ng bansa at matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino sa pamamagitan ng makabago at pinagbuting kakayahan nito.
Weng dela Fuente