Bureau of Immigration pinaghandaan na ang ipatutupad na travel restriction sa India
Naghahanda na ang Bureau of Immigration para sa ipatutupad na travel restrictions sa mga biyahero na manggagaling sa India.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, natanggap na nila ang kopya ng resolusyon mula sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na nagbabawal sa mga traveler mula India at iba pang may travel history sa India sa loob ng 14 na araw bago ang biyahe patungo sa Pilipinas.
Ang travel ban ay inilabas kasunod ng pagkalat ng bagong COVID 19 variant na unang natukoy sa India.
Nilinaw naman ni BI Port Operations Division Chief Atty. Carlos Capulong na walang partikular na nationality na tinukoy sa travel ban at aplikable ito sa lahat ng biyahero mula sa India.
Ayon kay Capulong, magiging mabusisi sila sa pasaporte ng mga parating na pasahero at kapag nakitang bumiyahe ito sa India sa nakalipas na 14 na araw ay pababalikin ito sa kanyang pinanggalingang bansa.
Maging mga Airline Company ay inatasan narin naman aniya ng IATF na huwag magsakay ng pasahero mula sa India.
Nilinaw naman ni Capulong na ang mga pasahero na in transit o nasa biyahe na o darating sa bansa bago ang Abril 29 ay papayagan pang makapasok sa Pilipinas pero isasailalim sila sa mahigpit na quarantine at testing protocols.
Madz Moratillo