Business confidence sa 4th quarter ng taon, tumaas –BSP
Tumaas ang kumpiyansa ng mga negosyante sa bansa sa ika-apat na quarter ngayong 2021.
Ito ay base sa isinagawang fourth quarter Business Expectation Survey mula noong October 8 hanggang November 18.
Kabuuang 1,511 firms sa buong bansa ang kasama sa survey kung saan ang 584 kumpanya ay nasa NCR at 927 firms ay mula sa labas ng Metro Manila.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), naging optimistic ang outlook ng mga business owners sa ekonomiya sa huling quarter.
Sa datos ng BSP, mula sa -5.6% noong ikatlong quarter ay bumalik sa positive index ang overall confidence sa 39.7%
Ito ang pinakamataas na business outlook ng bansa na naitala mula nang magsimula ang pandemya noong unang quarter ng 2020.
Ang positive index ay bunga ng pinagsamang epekto ng pagtaas sa percentage ng optimists at pagbaba ng percentage ng pessimists.
Ang optimism ng mga negosyanteng respondents ay ina-attribute ng central bank sa pagluluwag sa COVID-19 restrictions at pagbubukas ng borders.
Gayundin, sa pagtaas ng demand at mga benta, pagpapatuloy ng vaccine rollout, mga seasonal factors gaya ng pagtaas ng demand tuwing holiday season, pagsisimula ng mining at milling seasongs, at ang pagbaba ng kaso ng COVID sa bansa.
Sinabi ng BSP na maaari ring nakaimpluwensya sa optimism sa business confidence ay ang magandang real GDP o gross domestic product performance noong ikatlong quarter.
Moira Encina