Buwis na ipinapataw sa mga gamit at serbisyo ng Digital, ipinatitigil munaNAPATIGIL MUNA
Pinatitigil muna ni Senador Imee Marcos ang pagpapataw ng buwis sa Digital Economy o lahat ng gamit at serbisyo sa pamamagitan ng online.
Nangangamba kasi si Marcos, Chairman ng Senate Committee on Economic Affairs na maaaring maapektuhan ang edukasyon at paglikha ng trabaho at negosyo kung bubuwisan na naman ang Digital economy.
Tinukoy ni Marcos ang dalawang panukalang batas na patawan ng 10 percent na Tax ang mga negosyo at serbisyong digital na pending ngayon sa Kamara.
Ang mga Digital services o online na serbisyo sa pagkonsulta sa doktor, sa edukasyon, at ng E-commerce o bentahan sa internet ay nagiging pangkaraniwan na dahil sa Covid Pandemic.
Hindi na rin aniya luho kundi bahagi na ng pangangailangan ang mga laptop o cellphone para sa mga nasa work from home kaya hindi na ito dapat patawan ng bagong buwis.
Dapat aniyang hayaan muna ang publiko na makabangon sa matinding epekto ng Health crisis at mas malaking tulong ngayon ang pagbibigay ng diskwento lalo na sa mga nagsisimula muli ng mga negosyo.
Statement of Senator Imee Marcos:
“Di yata tamang magpataw ng mga bagong buwis sa panahon ng krisis habang maraming naghahanap ng tulong, diskwento, at palugit sa utang dahil nga sa nabawasang kita o nawalang trabaho. Ipapasa lang ng mga negosyante ang halaga ng tax sa mga mamimili na karamihan ay mahirap lamang o middle-class”.
Ulat ni Meanne Corvera