ByteDance walang planong ibenta ang TikTok kasunod ng US ban law
Sinabi ng Chinese tech giant na ByteDance, na wala silang planong ibenta ang TikTok makaraan ang ipinataw na deadline ng isang bagong batas sa US na ipagbili nila ang sikat na video platform o ipagbabawal na ito sa Estados Unidos.
Itinakda ng mga mambabatas sa US ang siyam na buwang deadline sa mga batayan ng pambansang seguridad, na sinasabing ang TikTok ay maaaring gamitin ng gobyerno ng China para sa pang-eespiya at propaganda hangga’t ito ay pag-aari ng ByteDance.
Iniulat ng The Information, isang tech-focused US news site, na tinitingnan ng ByteDance ang mga senaryo para maibenta ang TikTok na hindi gagamitin ang makapangyarihang “secret algorithm” na nagrerekomenda ng mga video sa mahigit isang bilyong user nito sa buong mundo.
Itinanggi naman ng ByteDance na ikinukonsidera nito ang pagbebenta.
Sa isang Chinese-language platform na Toutiao ay ipinost ng kompanya, “Foreign media reports about ByteDance exploring the sale of TikTok are untrue. ByteDance does not have any plans to sell TikTok.”
Ang TikTok ay ilang taon nang naging isang political at diplomatic ‘hot potato,’ kung saan una na itong nagkaroon ng sigalot sa administrasyon ng dating pangulo na si Donald Trump, na hindi nagtagumpay na ito ay i-ban.
Pilit na itinanggi ng TikTok ang anumang link sa gobyerno ng China, at sinabing hindi nila ibinahagi at kailanman ay hindi nila ibabahagi ang data ng user ng US sa Beijing.
Sinabi pa ng TikTok na gumastos ito ng humigit-kumulang $1.5 billion sa “Project Texas,” kung saan iniimbak ang US user data sa Estados Unidos.
Ayon sa mga kritiko nito, ang data ay bahagi lamang ng problema, at ang TikTok recommendation algorithm, ang “secret sauce” para sa tagumpay nito, ay dapat ding ma-disconnect mula sa ByteDance.
Sinabi ng TikTok CEO na si Shou Zi Chew, “The company will take the fight against the new law to the courts, but some experts believe that for the US Supreme Court, national security considerations could outweigh free speech protection.”
Ang mga tinantyang halaga ng TikTok ay nasa bilyun-bilyong dolyar, at anumang sapilitang pagbebenta ay magbubunga ng malalaking komplikasyon.
Kabilang sa sinasabing may “deep enough pockets,” ang US tech giants gaya ng parent company ng Instagran na Meta o kaya ang Google, ay malamang na harangin sa pagbili sa app dahil sa ‘competition concerns.’
Bukod dito, ikinukonsidera ng maraming investors na ang recommendation algorithm ng TikTok ang pinaka ‘valuable feature’ nito.
Ngunit ang anumang pagbebenta ng naturang teknolohiya ng isang kumpanyang Tsino ay mangangailangan ng pag-apruba mula sa Beijing, na itinakda ang nasabing algorithm bilang isang ‘protected technology,’ kasunod nang pagtatangka ni Trump na i-ban ang TikTok noong 2020.
Sa ngayon ay malinaw na tinututulan ng Beijing ang anumang sapilitang pagbebenta ng TikTok, na sinasabing gagawin nito ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang mga kumpanyang Tsino.
Ayon sa mga analyst at investors, bagama’t ang TikTok ay isang global phenomenon, ito ay kumakatawan sa isang maliit na bahagi ng kita ng ByteDance.
Ang ByteDance ay dumanas ng ‘explosive growth’ sa mga nakaraang taon, at naging isa sa mga pinakamahalagang kompanya sa mundo. Milyun-milyon ang itinaya rito ng international investors, gaya ng US firms na General Atlantic at SIG, maging ng SoftBank ng Japan.
Sinabi ng ByteDance investor na si Mitchell Green, ng US-based Lead Edge Capital, “TikTok US is a very small part of the overall business. It is an exciting part of the story, for sure, but relative to the overall size, it’s a very small part. If it was kicked out of the US, we would not sell.”