CA at Sandiganbayan magpapatupad din ng 4-day work week
Kasunod ng Korte Suprema, inanunsiyo ng Court of Appeals at Sandiganbayan na ipatutupad din nito ang 4-day work week scheme simula Marso 28.
Ito ay para maibsan ang epekto ng magkakasunod na taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa kautusan ni CA Presiding Justice Remedios Salazar-Fernando, ang mga opisyal at kawani ng appellate court ay apat na araw na lang kailangan pumasok on-site ng 7:00 ng umaga hanggang 5:30 ng hapon.
Hahatiin din sa dalawang grupo ang CA workforce kung saan ang unang grupo ay mula Lunes hanggang Huwebes ang pasok habang ang ikalawa ay mula Martes hanggang Biyernes.
Tiniyak ng CA na ang operasyon ng One-Stop Processing Center ay mula Lunes hanggang Biyernes pa rin.
Batay naman sa kautusan ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, bibigyan ng opsyon ang bawat opisina, dibisyon o chambers kung ipatutupad ang 4-day work week.
Ang magiging opisyal din na pasok ng mga mag-a-adopt ng flexible working arrangement ay 10 oras bawat araw o 7:00 ng umaga hanggang 5:30 ng hapon.
Mananatili naman ang pasok araw-araw ng mga nasa security at maintenance division.
Moira Encina