CA iniutos ang pagtanggal sa pangalan ng isang kongresista sa “narco-list”
Inatasan ng Court of Appeals ang mga law enforcement agencies na alisin ang pangalan ni Leyte Rep. Vicente Veloso III mula sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte
ng mga politiko na sinasabing sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
Ito ay matapos paboran ang petition for writ of habeas data na inihain ni Veloso na isang dating mahistrado ng CA.
Sa resolusyon ng CA Former Special Eight Division, ipinasisira rin nito sa mga otoridad ang lahat ng mga dokumento, records, at lahat ng impormasyon na may kaugnayan sa pagkakasama ni Veloso sa ‘narco-list.’
Pinagbabawalan din ng CA ang mga law enforcement agencies na isama ang pangalan ni Veloso sa alinmang “publicized derogatory list” na hindi dumaan sa due process.
Maliban na lang na kung ito ay para sa pagsasampa ng kriminal na kaso.
Sinabi pa ng CA na hindi nito papayagan ang anumang aksyon na bigong respetuhin ang mga constitutional rights.
Una nang dumulog sa Korte Suprema si Veloso matapos na mapabilang siya sa tinaguriang ‘narco politicians’ noong 2019.
Pero, ang nasabing petisyon ay ipinasa ng SC sa CA kung saan ito nakakuha ng paborableng desisyon.
Moira Encina